LUNGSOD NG MALOLOS — May kabuuang 184 na bata, mula sanggol hanggang pitong taong gulang, ang tumanggap ng Sakramento ng Binyag sa idinaos na Binyagang Bayan sa Mother of Perpetual Help Quasi-Parish sa Brgy. Gaya-gaya, Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan na inorganisa ng Provincial Social Welfare and Development Office kamakailan.
Nagpasaya sa okasyon ang pagdalo sa seremonya nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro na tumayo bilang mga ninong, at bilang tanda ng kanilang pagmamahal at suporta, pinagkalooban nila ang bawat bata ng perang regalo.
“The sacrament of baptism is an important stage in human life. This is what brings and makes us aware of the holiness of life and is the sign of the beginning of our Christian life. Ang binyag ay simbolo ng ating pagkakaisa kay Kristo sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay,” ani Fernando.
Hinimok din niya ang iba pang mga magulang na hindi pa nabibinyagan ang mga anak na samantalahin ang pagkakataong ibinibigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Binyagang Bayan ng PSWDO.
Dinaluhan ang okasyon ng Pinuno ng PSWDO Rowena J. Tiongson, kasama ang kanyang staff, mga Bokal Allen Dale DC. Baluyut at Enrique A. Delos Santos, Jr., at ilang mga isponsor. (UnliNews Online)