Tuesday, December 17, 2024
Amana Water Park
HomeDinambong na yamang-dagat ng Bajo de Masinloc

Dinambong na yamang-dagat ng Bajo de Masinloc

Feature Article
Ni Manny C. Dela Cruz

NOONG andito pa sa Pilipinas ang mga base militar ng Estados Unidos, walang sinomang bansa ang nangahas na angkinin ang alinmang bahagi sa marine features sa South China Sea, partikular sa lugar na sakop ng West Philippine Sea.

Sinong bansa ba naman sa palibot ng South China Sea ang magtatangkang i-reclaim ang mga mababaw na mga batuhan, nakalutang na buhanginan at maliliit na mga isla sa nasabing karagatan tulad ng Spratly Islands, Scarborough Shoal/Bajo de Masinloc/Panatag Shoal at iba pang marine features.

Kung ang presensiya noon ng puwersa ng America ay nakabantay pa sa nasabing karagatan 24/7 noong nasa Pilipinas pa ang mga base militar ni Uncle Sam, tulad ng Subic Naval Base, sa Zambales, ay walang mga barko ng mga tsekwa na lumiligid sa West Philippine Sea dahil nandoon palagi ang US Seventh Fleet na nakatanod sa West Philippine Sea, samantalang ang squadrons ng fighter jets ng America ay paroo’t parito sa himpapawid ng Pilipinas.

Ang hugis tatsulok na Scarborough Shoal o Panatag Shoal, ay ang lugar na pinangingisdaan ng mga Pilipino, noong hindi pa inookupa iyon ng China. Ang lagoon ng Panatag Shoal na may lawak na 150 square kilometers ay tinatahanan ng iba’t ibang uri ng primera klaseng mga isda at ng mga higanteng taklobo pero ngayon, hindi man lang malapitan ng mga Pilipinong mangingisda ang Panatag dahil itinataboy sila ng Chinese Coast Guard.

Dahil hindi na binigyan ng extension ng Kongreso ng Pilipinas ang pananatili ng mga base militar ng Estados Unidos sa ating bansa makaraang ma-expired ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at America, kaya until-unting umalis ang hukbong Amerikano sa Pilipinas at ang pinakahuling pangkat ng mga sundalong Kano na umalis sa bansa ay noong 1992

Dahil sa nasabing pangyayari, nagsimula na rin ang China na okupahin ang mga bahura, buhanginan at maliit na isla sa nasabing karagatan na sakop ng 200 nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas at noon ngang taong 1994 hanggang 1995 ay nagtayo ang China ng mga istraktura sa Panganiban o Mischief Reef.

Ang katotohanan, ang nasabing mga bahura ay bahagi ng Kalayaan island group sa South China Sea. Ayon sa ulat, may mga bahagi rin na inaangkin hindi lang ng Pilipinas at China kundi maging ng Taiwan at Vietnam. Nasa 127 nautical miles lamang ang layo nito sa Palawan at sakop ng 200-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, kumpara sa mahigit 1,600 nautical miles na distansiya nito sa China.

Matatandaan na tinayuan ng mga kubo ng mga Intsik ang mabababaw na mga bahura. Silungan umano ng mga mangingisdang Intsik ang mga itinayong kubo. Pero ngayon ang mga kubo ay naging military garrison na ng China. Ni-reclaim nila ang mga small islets.

Nilagyan ng paliparan at mga daungan ng seacrafts. Nilagyan din ng mga radar at posibleng may mga missiles din na nakaimbak sa nasabing reclaimed sandbars.

Ang malawak na karagatang sakop ng EEZ ng Pilipinas na abot hanggang sa Ayungin Shoal ay pinapatrulyahan din ng CCG. Kamakailan lang ay nangyari ang matinding pambu-bully ng CCG personnel sa mga sundalong Pilipino na nagsasagawa ng resupply mission sa mga sundalong Pilipino na naka istasyon sa BRP Sierra Madre. Isang sundalong Pilipino ang naputulan ng isang daliri dahil sa ginawang pangha-harass ng CCG personnels.

Kaugnay nito, nakapanayam ng awtor ng artikulong ito ang ilang mangingisda sa Iba, Zambales. Ayon sa mga mangingisda. “Noong hindi pa inaangkin ng China ang “Kalburo” (Scarborough Shoal) tone-tonedang isda na pawang mamahalin tulad ng yellow fin tuna, trevally, lapu-lapu at iba pang mamahaling isda ang nahuhuli namin sa loob ng lagoon ng Kalburo. Pero mula ng bantayan iyon ng China ay hindi na namin napapasok ang lagoon.” Sabi ng mga mangingisda.

Matatandaang nasabat doon ng barko ng Philippine Navy ang ilang barkong pangisda ng China na may mga ilegal na huling live corals at taklobo o giant clams.

Hindi nagawang arestuhin ng ating navy ang mga poachers dahil pinigilan sila ng mga tauhan n Chinese navy na hulihin ang kanilang mga mangingisda at noon din nagkaroon ng stand off sa pagitan ng navy ng mga Intsik at navy ng Pilipinas na umabot ng ilang Linggo.

Pumalit sa barko ng Philippine Navy ang barkong sibilyan ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para maibsan ang tensiyon matapos magreklamo ang China na barko ng militar ang ipinadala ng Pilipinas doon.

Kalaunan, ay dumami nang dumami ang mga barko ng China sa lugar at kanilang binantayan ang loob at labas ng dinambong na Panatag Shoal o Bajo de Masinloc.

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments