SA aming pag-iikot sa Zamboanga Peninsula kamakailan lamang ay napadaan kami sa Ozamiz City at hindi napigilan ang paghanga kay Dr. Amy T. Adona ng Tagaloguin-Adona Polymedic and Diagnostic Center, Inc., (TAPDCI) sa kanyang adbokasya na tulungan ang mga sundalo at kanilang pamilya na mabigyan ng kaukulang medical na serbisyo na walang bayad.
Sila Dr. Adorna ay pamilya ng mga doctor at hindi alintanang magbigay ng atensyong medikal sa mga magigiting nating sundalo ng Philippine Army-102nd Infantry Brigade at Citizen Armed Forces Geographical Active Auxiliary Units (CAA) sa probinsya ng Zamboanga Sibugay.
Layunin ng pamilya na magbigay ng quality healthcare na serbisyo ng libre. Napakalaking kaluwagan sa ating mga mamamayan ang matugunan ng libre ang pag-papagamot at napaka-swerte ng Ozamiz city at karatig probinsya dahil sa ganitong dedikasyon ng pamilya Tagaloguin-Adona family of doctors. Dahil sa inisyatibo ng 102nd Brigade at TAPDCI na magkaroon ng partnership agreement kamakailan sa 1st Infantry Division sa Labangan, Zamboanga del Sur.
Bilang isang reserve Army Colonel, si Dr. Amy T. Adona ay seryoso sa pagbibigay ng mahusay na serbisyo medikal at bukas din ito sa pagtulong sa mamamayan ng lugar lalo na ang mga rebel returnee na nangangailangan ng kalinga.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 8,000 sundalo at kanilang pamilya ang natulungan ng TAPDCI. Karaniwang sakit na kanilang ginagamot sa kasalukuyan ay ang acute gastritis, acute gouty arthritis, hypertension at iba pa. Laking pasasalamat at respeto ang pinaabot ni Brigadier General Elmer Suderio, PA 102nd Bde commander sa pamilya ng Tagaloguin-Adona dahil sa pagbibigay ng tulong sa kasundaluhan at kanilang mga mahal sa buhay.
Ang tulong na ganito ay nakapagpapataas ng moral sa mga sundalo at pamilya. Katuwang ang Western Mindanao Command ay narating ng medical mission na ito, ang Tawi-Tawi sa isla ng Mapun at Taganak. Nagdala ang grupo kamakailan ng mga karagdagang duktor at nakapag-surgery ng 29 pasyente, nagtuli ng 23, nagbigay ng dental services sa 560 at 401 medical services sa mga tao.
Dahil sa tulong ng RA 11463 o ang Malasakit Centers Act ni Senator Christopher Bong Go ay nasustena ang ganitong mga proyekto. Layunin ng batas na ito na alalayan ang mga DOH hospitals na mabigyan ng pinansyal na ayuda ang mga pagamutan gaya ng TAPDCI.
Mapapansin din ang mga bago at quality hospital beds, wheelchairs, laboratory equipment, x-ray at imaging machines at iba pa. Ang mga modernong medical equipment na nabanggit ay galing kay Mr. Jun Villacampa, President ng Juniper Procurement 3 Medical at dahil dito ay natugunan ang mga pangangailangan ng piling DOH at private hospitals sa Mindanao. (UnliNews Online)