LIMAY, Bataan — Nais maiparamdam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tulong na naihahatid ng programang Kadiwa ng Pangulo o KNP sa buong bansa.
Personal niyang binisita ang isinagawang KNP sa bayan ng Limay sa Bataan tampok ang samu’t saring produkto ng 68 magsasaka, mangingisda at manggagawa.
Ipinahayag dito ni Marcos na kahit ngayong nagsisimula pa lamang ang programa ay kanya ng inatasan ang Department of Agriculture, Department of Trade and Industry at Department of the Interior and Local Government na tutukan ang pagpaparami ng KNP upang maramdaman sa buong Pilipinas.
Aniya, simple lamang ang konsepto ng naturang programa na nagsimula panahon pa ng kanyang ama na kung saan nagsisilbing tagapag-ugnay ang gobyerno sa paghahatid ng mga produkto ng mga magsasaka at mga lokal na negosyante diretso sa merkado upang gawing abot-kaya ang presyo ng mga bilihin.
Tumutulong ang pamahalaan sa pagbiyahe at packaging ng mga ani at produkto na murang nabibili sa mga palengke o Kadiwa.
Sinabi ng Pangulo na dahil sa pagtangkilik ng taumbayan gayundin sa mabilis na nabibiling mga produkto ng mga magsasaka sa Kadiwa ay kinakailangang palawakin at pagandahin ang produksyon ng pagsasaka sa bansa.
Hangga’t gumanda aniya ang produksyon sa Pilipinas ay mapipilitan namang mag-import ang bansa na maaaring magresulta sa pagtaas ng presyo ng bilihin kaya ang ginagawa ng pamahalaan ngayon ay paramihin ang suplay o produksyon ng pagsasaka.
Dahan-dahan ding inaayos ng pamahalaan ang malawak na sektor ng agrikultura partikular ang value chain para sa mga magsasaka kasama na ang paglulunsad ng Kadiwa bilang solusyon sa pataas nang pataas na presyo ng bilihin.
Bagamat sa kasalukuyan ay mayroon nang lampas 300 Kadiwa ay hangad pa rin ng pamahalaang maparami ito para maabot kahit ang nasa malalayong lugar na nangangailangan din ng tulong.
Sinabi ni Marcos na maliban sa paghahatid ng murang bilihin ay hangad din ng Kadiwa na makapagbigay ng oportunidad sa mga lokal na negosyante na gumagawa at nagpoproseso ng sariling produkto.
Makaaasa aniya ang mga mamamayan na kahit nagsisimula pa lamang ang programa ay hindi lamang iilan kundi pararamihin ang Kadiwa nang maramdaman sa buong Pilipinas.
Source: PIA 3