Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsDBM, prayoridad ang Capacity Building para sa pinalawak na mandato ng BulSU

DBM, prayoridad ang Capacity Building para sa pinalawak na mandato ng BulSU

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Tiniyak ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na tututukan ang pagpapatupad sa mas pinalawak na mandato ng Bulacan State University (BulSU), na itinakda sa bago nitong charter na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang Republic Act 11980.

Sa pagbisita ng kalihim sa BulSU kaugnay ng pagtatapos ng nasa 486 na mag-aaral ng BulSU Hagonoy Campus, sinabi niya na unang prayoridad ng DBM ang maagapayan ang pamantasan sa larangan ng capacity building at absorptive capacity.

Dahil dito, matitiyak na magiging epektibo ang pagpapatupad sa bawat detalye ng nasabing revised charter. Ibig sabihin, kinakailangang mapalakas ang kakayahan ng mga guro at kawani nitong pamantasan sa pagbuo, pagbubukas at pagpapalawak ng mandato ng BulSU.

NAGSAGAWA ng isang ‘windshield’ inspection si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa 25 ektaryang Malolos main campus annex ng Bulacan State University (BulSU) na kasalukuyang pinagtatayuan ng mga karagdagang pasilidad bilang paghahanda sa mas pinalawak na mandato nito na itinakda ng Republic Act 11980. Nasa tatlong mga gusaling pang-akademiko na ang naitatayo rito mula noong 2017 sa tulong ng DBM. (Kuha ni Shane F. Velasco)

Pangunahin sa mga probisyon nito ang pagbubukas ng mga bagong kurso gaya ng agriculture, fisheries, forestry, medicine and allied medicine, archeology, aeronautics, artificial intelligence at robotics.

Ipinaliwanag ni Secretary Pangandaman sa pagbubukas ng nasabing mga kurso, kinakailangang makita kung sino ang mga dapat na makakapagturo at mga mag-aaral na talagang interesado o nais pumasok. Ito aniya ang dapat na maging sangkap sa binabalangkas na unang 5-Year Development Plan ng BulSU sa ilalim ng bagong charter.

Nasa 45 libo mga mag-aaral ang kasalukuyang nagsisipag-aral sa anim na mga sangay nito sa Malolos, Hagonoy, Bulakan, San Jose Del Monte, Bustos at San Rafael.

Kaya’t para kay Dr. Teody San Andres, pangulo ng BulSU, pangunahin sa mga hakbang upang mapalaki pa ang kapasidad ng pamantasan ngayong may bagong mandato na magbukas ng mga bagong kurso, ang pagpapatuloy na madagdagan ang mga pasilidad sa Malolos main campus annex.

Ito ang 25 ektaryang lupa na dating pag-aari ng Philippine Information Agency (PIA) na ipinagkaloob ni Dating Pangulong Joseph E. Estrada sa BulSU sa bisa ng Proclamation 22 noong Setyembre 23, 1998. Ang 20 ektarya nito ay dapat magamit sa mga pang-akademikong pangangailangan ng pamantasan habang eksklusibo ang limang ektarya para sa Philippine Carabao propagation.

Sa ngayon, tatlong gusali na ang naitatayo rito gaya ng College of Engineering Building 2 na nilaanan ng DBM ng P278 milyon, Human Resource Building na P324 milyon at Research Building na P248 milyon. May mga bahagi ng pondo nito ay nagmula sa commercial income ng pamantasan.

Sinimulan na rin ang pagtatayo ng Phase 1 ng sariling College of Architecture and Fine Arts Building na inisyal na popondohan ng P91 milyon mula rin sa commercial income ng BulSU. Ayon pa kay Dr. San Andres, mangangailangan sa ngayon ng P3.7 bilyon upang makumpleto ang pangunahing mga pasilidad sa annex campus.

Sinabi naman ni DBM Region III Regional Director Rosalie Abesamis na bilang bahagi ng pagsuporta ng ahensiya na maisakatuparan ito, nakapaglaan ng inisyal na P100 milyon ang ahensiya para makagawa ng isang sports and recreational facilities sa BulSU Malolos Main Campus annex.

Kasabay nito, patuloy na umaagapay ang DBM sa paghahanda na masimulan ang pagbubukas ng kursong medicine sa Agosto 2024 na ibabase sa BulSU- San Rafael campus. May halagang P100 milyon ang inilaan ng ahensiya sa kursong ito kung saan nagpapatayo ng isang dormitory para sa mga mag-aaral na nais manatili rito.

Sa taong 2025, ayon pa kay Regional Director Abesamis, may karagdagang P85 milyon pa ang ilalaan ng DBM para makumpleto ang proyekto.

Kaugnay nito, iniulat din ni Secretary Pangandaman na sa unang full year implementation ng Republic Act 11980, aangat sa P1.7 bilyon ang pondo ng BulSU para sa taong 2025. Mas mataas ito sa kasalukuyang P1.6 bilyon mula sa Pambansang Badyet ng 2024.

Samantala, binigyang diin ng kalihim na dapat tutukang mabuti ng BulSU ang paghahanda para sa pagbubukas ng mga kursong may kinalaman sa Aeronautics kung saan lubos ding susuporta ang DBM. Ayon kay Dr. San Andres, bahagi ng paghahanda rito ang pagkakaroon ng karagdagang 1.5 ektaryang lupa para sa BulSU Meneses Campus sa bayan ng Bulakan.

Dito bubuksan ang mga kurso sa aeronautics kung saan magiging malapit sa ginagawang aerotropolis na pinagtatayuan ngayon ng magiging New Manila International Airport (NMIA) sa Bulakan, Bulacan. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments