PANDI — Nagtutulong-tulong ang nasa 300 Pandieño sa pagbuo ng communal garden at water reservoir upang patuloy na itaguyod ang mga proyektong magbibigay ng matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng bawat isa sa komunidad.
Naging layunin ng mga Pandieño na gawing sustenable ang kanilang mga proyekto upang ito’y maging pagkakakitaan o konsumo nila sa mahabang panahon
Ito ay sa ilalim ng Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished) ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay Pandi Mayor Rico Roque, ginanap kamakailan ang pagtatapos ng 20-araw na pagpapatupad ng Project LAWA at BINHI sa ilalim ng Risk Resiliency Program
“Salamat po sa aktibong pakikilahok ng mahigit 300 benepisyaryo sa Cash-for-Training at Cash-for-Work. Ito ay hindi lamang isang simpleng pagtatapos ng proyekto kundi isang malaking hakbang tungo sa pag-unlad at pagtibay ng ating komunidad,” ani ng alkalde.
Dagdag pa nito, “sa pamamagitan ng ating pagbuo ng communal garden at water reservoir, hindi lamang natin pinapalakas ang ating mga kakayahan kundi binubuo rin natin ang ating pagkakaisa laban sa mga pagsubok ng kalikasan. Ito ang tunay na kahulugan ng bayanihan at pagkakaisa sa pagtugon sa mga hamon ng panahon”.
Ayon naman sa mga benepisyaryo, malaking tulong ang kanilang natanggap para sa pagbabalik eskuwela ng kanilang mga anak.
Ang Project LAWA at BINHI ay alinsunod sa direktiba ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na gumawa ng pangmatagalan at epektibong solusyon upang tugunan ang nararanasang krisis kaugnay sa kakulangan ng tubig at pagkain na dulot ng El Niño at La Niña. (UnliNews Online)