Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeNational News‘Maunlad na ekonomiya at hindi sugal ang magpapalago sa kaban ng bayan’...

‘Maunlad na ekonomiya at hindi sugal ang magpapalago sa kaban ng bayan’ — Cayetano

MANILA — Tutukan na lang ang pagpapalago sa mga pangunahing sektor ng ekonomiya imbes na umasa sa iba’t ibang uri ng sugal para mapalago ang pondo ng gobyerno.

Ito ang pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Martes bilang tugon sa mga panukala sa House of Representatives na muling buhayin at gawing legal ang e-sabong bilang kapalit sa nawalang revenue kasunod ng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na ipinataw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang mamuhunan sa agrikultura, isulong ang turismo, at pasiglahin ang mga industriya upang lumago ang kaban ng bayan.

Aniya, ang mga sektor na ito ay magbibigay ng pangmatagalang financial benefit sa bansa at magdudulot ng positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino, hindi tulad ng sugal.

Bilang matinding kritiko ng lahat ng anyo ng gambling sa bansa, matagal nang nagbababala si Cayetano sa mga negatibong epekto ng online sabong, na hamak ang laki kaysa anumang pinansiyal na pakinabang na maaaring ibigay nito.

Punto niya, dahil madaling ma-access ang online sabong, mas mataas din ang posibilidad ng adiksyon, pagkabaon sa utang, at pagdami ng krimen, kabilang na sa mga kabataan.

“Ano ba y’ung tinatanim natin sa next generation? Wala pa akong nakitang bansa na talagang umunlad dahil sa online gaming,” aniya sa isang press conference noong July 18, 2024.

Dalawang taon na ang nakalilipas, nakini-kinita na ni Cayetano ang posibleng muling pagbuhay sa e-sabong matapos ipatigil ang mga ito. “Sa totoo lang, magpapalamig lang ‘yan. Tapos sa Senado naman pupunta para sa franchise, o sa next administration,” aniya.

Matatandaang ipinahinto ang operasyon ng mga e-sabong sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pagkawala ng mahigit sa 30 indibidwal na sangkot umano dito.

Punto pa ni Cayetano, kung patuloy na igigiit ng taumbayan ang pagtutol sa e-sabong at ang pagkakaroon ng mas maraming investment at trabaho sa bansa, “God willing po hindi na ito makakabalik,” aniya. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments