LUNGSOD NG MALOLOS — Itinutulak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH) sa gitna ng pagtaas ng kaso ng Dengue sa lalawigan ang 5S strategy.
Inilahad ng PHO-PH ang estratehiyang 5S na pangunahing armas upang masugpo ang kaso ng Dengue sa Bulacan kung hindi man tuluyang masawata. Ito ay ang Search and destroy of breeding sites, Self-protection measures, Seek early consultations, Support fogging or spraying during impending outbreak, at Sustain Hydration.
Ayon sa pinakabagong Dengue advisory ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), 3,805 hinihinalang kaso ng Dengue ang naitala sa lalawigan na 85% mataas kumpara sa mga kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Dagdag pa rito, anim na pagkamatay na may kinalaman sa Dengue ang naiulat simula sa umpisa ng taon.
Gayundin, limang barangay mula sa Angat at Santa Maria; apat mula sa Marilao; dalawa mula sa mga Lungsod ng Meycauayan at San Jose del Monte, Calumpit, San Miguel, at San Rafael; at isa mula sa Lungsod ng Malolos, Bulakan, Bustos, Pandi, Paombong, at San Ildefonso ang itinuturing na Dengue Hotspot o may patuloy na pagtaas ng kaso sa magkasunod na linggo.
Pinaalalahanan rin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na panatilihin ang malinis na kapaligiran, lalo na ang mga maaaring pamahayan ng lamok kabilang ang sirang gulong, plorera ng bulaklak, at hindi umaagos na tubig sa loob at labas ng bahay.
“Bukod po sa ating mga ginagawang pag-iingat, mahalaga rin na kung mayroong dinaramdam sa ating katawan katulad ng lagnat na higit na sa dalawang araw ay magpatingin agad sa ating mga health center o district hospital upang maagapan at hindi na lumala pa,” anang gobernador.
Binanggit rin ni Fernando na kabilang sa sintomas ng Dengue ang mataas at tuluy-tuloy na lagnat na tumatagal ng isa hanggang pitong araw, pamumula ng balat dahil sa mataas na lagnat, kawalan ng gana, pagkahilo at pagsusuka, at pagdurugo ng ilong at gilagid. (UnliNews Online)