BINATIKOS ni Agri Partylist Representative Wilbert T. Lee, ang Department of Health dahil sa mabagal na aksyon ng ahensiya sa pagtataas ng benepisyo ng nga miyembro ng PhilHealth, sa kabila ng mabilis na pagtaas ng singil sa medical services, presyo ng gamot at iba pa.
Nagbabala ang Bikolanong mambabatas na kanyang ipagpapaliban ang badyet ng kagawaran kung patuloy na hindi matutugunan ang hinihinging umento ng PhilHealth members sa aspetong pangkalusugan.
Ayon kay Lee, labis anyang nababagot ang mga miyembro ng nasabing health insurance sa patingi tinging pagbibigay ng benepisyo para sa kanila. “Napakatagal na nga, tingi-tingi pa ang benepisyong sinasagot ng PhilHealth. Manhid na ba tayo?” Sabi ni Lee
Ipinunto ni Lee na sa pamumuno anya ng DOH ng Benefits Committee (BenCom), ang sub-committee na responsable para sa mga direksyon sa patakaran at pagpapaunlad ng mga benepisyo ng PhilHealth, kaduda-duda umano ang mga serbisyo at benepisyo nito kung saan ay nananatiling bingi ang ahensiya sa mga pangangailangan ng mga miyembro at benepisyaryo.
Sa pagtatanong ni Lee sa isang pagpupulong, ibinahagi ng PhilHealth na noong Hunyo 2024, ang ahensya ay may P504 bilyong halaga ng pamumuhunan. Inulit ng Bicolano solon ang kanyang panawagan na dagdagan ang benepisyo ng PhilHealth gamit ang napakalaking pondo ng ahensya na una niyang ibinunyag sa budget briefing ng DOH noong Setyembre 2023.
Si Lee ay isang matibay na tagapagtaguyod ng kalusugan sa Kongreso at siya rin ang nagsulong para sa 30% na pagtaas sa mga benepisyo ng PhilHealth members na ipinatupad noong Pebrero 14 samantalang kamakailan lamang ay naghain din ang kongresista ng House Resolution No. 1900 para manawagan ng panibagong 30% na pagtaas sa benepisyo ng PhilHealth.
Bilang tugon, nagpahayag ng pangako si Health Secretary Ted Herbosa kay Lee na suriin ang mga benepisyo at isama ang mga bagong pamamaraan sa mga benepisyo ng PhilHealth. Sa ksugnay na ulat, sinabi ni PhilHealth President at Chief Executive Officer (PCEO) Emmanuel Ledesma Jr.: “We are in the process of studying another round of 30% [increase] almost across-the-board. I can commit to this Committee na mangyayari ito bago ang araw ng Pasko.”
Idinagdag pa ni. Lee, na wala anyang karapatan ang ahensiya na magpatuloy sa gobyerno kung wala silang gagawin para maibsan ang pangamba at mapagaan ang pasanin ng taumbayan na nahihirapan na. (UnliNews Online)