KAMAKAILAN ay inilahad sa pamamagitan ng video presentation ang paglulunsad ng North Manila Bay Nature-based Flood Mitigation Solution, ang naiibang pamamaraan kung papaano masosolusyonan ang matagal nang pagbaha na nangyayari sa costal towns ng Bulacan at mga kanugnog na lugar na tinawag na tidal flooding.
Sa nasabing gawain ay sinabi ni Malolos City Mayor Christian Natividad na magsisilbing proteksiyon ang proyekto sa Isla ng Pamarawan sa malalakas na daluyong tuwing may habagat at malakas na bagyo. Ito rin anya ang pilot project ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga na nagsama-sama upang tugunan matagal nang problema sa pagbabaha sa pamamagitan ng agaran at pangmatagalang solusyon
Ang konsepto o ideya ng nasabing proyekto ay buhat pa sa bansang Netherlands. Sa pamamagitan ng presentasyon ay ipinakita ang bawat detalye ng proyekto. Dahil ang Pamarawan ay isang island barangay na palaging hinahampas ng malalaking alon tuwing panahon ng habagat, ang palibot ng isla ay lalagyan ng enhanced breakwater structures upang hindi maging direkta ang hampas ng alon.
Ang nasabing enhanced breakwater ay may dalawang bahagi ang bamboo at at oyster bags. Ang oyster bags ay naglalaman ng mga balat ng talaba. Nababalot ang mga shell ng coconet. May mga tulos na kawayan kada limang metrong pagitan. Magsisilbi ang mga iyon na matibay na istraktura para sa kolonisasyon (pagpaparami) ng mga talaba.
Ang kawayan naman ay para sa option 2 ng enhanced breakwater. Maglalagay ng tatlong layer o suson ng istakang kawayan at sa bawat pagitan ng mga suson ay may nakapalaman na brushwood gaya ng mga siit o maliliit na mga sanga ng mga punongkahoy tulad ng gamit sa paggawa ng bumbon. Ang panglabas na bahagi ng pamigil-alon ang siya namang panangga upang hindi maistorbo ang mga talaba na nagsisimulang magparami.
Ang maganda sa proyektong ito ay gagamitan ng mga materyales na pawang biodegradable at recyclable. Tulad ng mga balat ng talaba, kawayan, mga siit o sangang maliliit at coconet o lambat na gawa sa hibla ng bunga ng niyog at gagamitan din ng boulders o mga piraso ng mga ‘di kalakihang mga bato na magpapatibay sa moog.
Sa likod ng mga pananggalang sa bandang unahan ay paggugubatin ang likuran ng mga bakawan upang kahit pa may malalakas na daluyong na hahampas sa enhanced breakwaters ay dadaan pa ang mga alon sa gubat ng mga punong bakawan kaya ang seawall ng Barangay Pamarawan ay hindi na direktang mahahampas ng malalakas na alon at sa halip ay banayad na dadampi na lamang sa seawall ang mahihinang alon.
Hindi ito ang kabuuan ng kwento tungkol sa nasabing proyekto ay may mga bahagi naman tayong natalakay ukol sa proyektong Nature-Based Coastal Flood-protection Project. (UnliNews Online)