NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano sa katatapos lang na 3rd Quarter Commission Meeting ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) kung saan tinalakay ang administrative at technical matters nito para sa Year 2 (2024), na talakayin ang kahalagahan ng sistematikong pagharap sa mga problema sa edukasyon.
“As we find out the problems and try to solve them, alamin natin kung ano talaga ’yung priority of all our priorities because kung maraming priorities, walang priority,” wika ni Cayetano, na nagsisilbing co-chair ng EDCOM II.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, idiniin ni Cayetano na isa sa mga pangunahing hamon sa edukasyon ng bansa ay ang stunting sa mga bata.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang stunting sa mga bata ay tumutukoy sa pagkabansot na dulot ng malnutrisyon.
Dagdag pa ng WHO, ito ay isang risk factor sa child mortality at isang palatandaan ng hindi pagkakapantay-pantay sa human development.
“Stunted children fail to reach their physical and cognitive potential,” saad ng WHO sa website nito.
Inalala ni Cayetano ang kamakailang pagbisita ni President Tharman Shanmugaratnam ng Singapore sa Lungsod ng Taguig kung saan binaggit nito ang kahalagahan ng early childhood development.
“Ang sinabi niya, the highest return on investment is from prenatal to five years old. You can have free and quality education, scholarships, and the best computers, pero ‘pag stunted ang bata, mahirap nang mai-correct iyon,” wika ng senador.
Ani Cayetano, ang pagpapabuti ng edukasyon sa bansa ay isang “assignment” mula sa Panginoon at sinabing ang mga miyembro ng EDCOM II ay may kolektibong obligasyon na huwag nakawan ng oportunidad ang bagong henerasyon.
“It’s such an honor to be a part of this. I will try to do my best and serve well so that we don’t steal from this generation,” wika niya.
Dagdag pa niya, nasa magandang posisyon ang EDCOM II upang makamit ang mga layunin nito dahil sa suporta ng kanyang komite, pati na rin nina Senate President Francis “Chiz” Escudero, House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at Education Secretary Sonny Angara.
Binigyang diin ng senador ang kanyang patuloy na pagsusumikap upang tulungan ang EDCOM II sa pagpapabuti ng edukasyon sa bansa.
“It will be a pleasure and honor to work with all of you,” wika niya. (UnliNews Online)