Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeViolago at Paguio, wala pang media arm?

Violago at Paguio, wala pang media arm?

Feature Article
Ni Manny C. Dela Cruz

TAHIMIK pa ang kampo ng gubernatorial at vice gubernatorial aspirants na sina Salvador “Bogs” Violago at Elmer Paguio. Nang isagawa ang oath taking ng mga miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas-Bulacan Chapter na isinagawa kamakailan sa Manila Polo Club, sa McKinley Road, Makati City ay wala ni isa mang Bulakenyong mamamahayag na inanyayahan ang team nila Bogs at Elmer, maliban sa mga Bulacan mayors na naimbitahan sa nasabing event.

Kamakailan din ay may pagtitipon isinagawa ang pangkat nina Gov. Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alex Castro. Isinagawa iyon sa Shangri-la Hotel sa Metro Manila. Ang Bulacan Provincial Public Affairs Office (PPAO) ang nag-anyaya ng mga piling Bulacan media people. Hindi kasama sa mga naanyayahang mamamahayag ang may akda ng artikulong ito.

Habang sinusulat ng may akda ang artikulong ito ay walang ingay sa print media maging sa broadcast media ang team nila Violago at Paguio pero alam na ng nakararaming Bulakenyo na papalaot sa larangan ng pulitika sa 2025 midterm election ang tambalang Bogs Violago at Elmer Paguio, para sa gubernatorial at vice gubernatorial races.

Isang beteranong Bulakenyong brodkaster si Archie Jimenez ang nakapanayam ng awtor at kanyang sinabi na nasaksihan niya umano ang paglulunsad sa Baliwag, Bulacan, ng “Asenso Bulakenyo”, kung saan ay dumalo roon sina Bogs Violago at Elmer Panguio. Kasama rin umano ang iba pang political figures tulad nina Ayee Ople, Niño Bautista, Glenn Vistan, Charm Clemente, Kat Hernandez, John Mendez, Nick Bartolome, Jane Garcia, Owesa Osea, at iba pa.

Ayon kay Jimenez, hindi man umano niya nakadaupang-palad si Bogs Violago, ay alam na umano niya ang posisyong tinatarget nito, tulad ng puwesto ni Gov. Daniel Fernando. Ang nakapanayam lang umano ni Jimenez ay ang campaign manager ni Violago, na si San Jose Del Monte City former-Mayor Reynaldo S. San Pedro. Kasama umano ni Jimenez sa pag-cover sa nasabing event sina Dez Uy at Neneth Hirano.

Hindi man maingay sa tri-media ang Violago-Paguio Team ay maingay naman sa social media ang nasabing grupo. Iyan ang advantage ng social media dahil mas mabilis sa pagkuha ng sariwang balita ang mga vlogger kaya ang mga content creator (vloggers) ang nagpapaligsahan sa social media sa paramihan ng kani-kanilang followers.

Itong mga vlogger umano ang mahigpit na katunggali sa balitaan ng tri-media dahil libu-libo ang bilang ng kanilang followers na nakikipag-commicate sa kanilang mga tagasunod araw-araw, oras-oras, minu-minuto. Kaya mas mabilis silang nakakapagbato ng istorya sa Facebook.

Kaya kung wala pang media arm sa larangan ng tri-media ang buong team ng Violago-Paguio ay posible na may mga social media vloggers na sumusuporta sa kanila. Ayon sa mga netizen, iba anila ang panahon ngayon tulad ng digital era. Mas mabilis umano ang pagpapalitan ng impormasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang social media platforms.

Kahit umano ang national daily newspaper maging ang mga regional/provincial newspapers ay may kani-kanyang websites kung saan sa online newspaper unang ipinopost ang mga sariwang balita na nakalap ng kanilang mga reporter at writers at kapag nai-post na nila sa social media ang online edition ng dyaryo ay saka naman ilalabas ang print copies ng kanilang mga pahayagan.

Sa kabilang banda, may mga Bulakenyo pa rin umano na hinahanap ang pahayagan dahiñ mas gusto nilang nagbabasa ng balita sa dyaryo kaysa balitaan na napapanood sa cellphone. Ang pahayagan (print) kapag tapos ng basahin ay puwede naman niyang ibahagi sa iba upang mas maraming makakabasa ng mga balita at opinyon sa pahayagan. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments