NITONG September 27 ng taong kasalukuyan ay kasamang nanumpa bilang mga bagong miyembro ng National Unity Party (NUP) si Malolos City Mayor Christian D. Natividad, kung saan ay isinagawa ang oathaking sa Cristina Hall ng One Grand Pavillion sa nasabing siyudad.
Kapansin-pansin ang kulay pulang kasuotan ni Mayor Christian, noong siya ay manumpa kay Gov. Daniel R. Fernando, ang simbolic red color ng kanyang ama, si ex-Congressman Teodulo C. Natividad. Ang pulang kulay din ang sumisimbulo sa bansag na Agila ng Bulacan, kay Mayor Christian Natividad.
Si Gov. Daniel ay nakasuot ng white shirt bilang tanda ng umiiral na “One Malolos” na ang ibig sabihin ay walang tatayong kalaban si Mayor Christian, mula sa kampo ni Gov. Fernando, sa siyudad kaya ang dating magkalaban noon sa pulitika ay magkaisa ngayon sa layunin para sa ikagaganda ng Lungsod ng Malolos at ng Lalawigan ng Bulacan. Gayunpaman, hindi hinubad ni Mayor Christian ang kulay na simbulo ng Agila ng Bulacan, ang pulang kulay.
Sa kabilang banda, kahit naman may gumiri kay Mayor Christian na labanan siya sa mayoralty race sa 2025 midterm election ay mag-aaksaya lang siya ng panahon. Matinding kalaban ang Agila ng Bulacan na kumbaga sa alon ay isa siyang daluyong.
Matapos na makapanumpa ang lahat ng mga bagong kasapi ng NUP na kinabibilangan ng mga kakandidatong, Kongresista, mga alkalde, mga bise alkalde at mga konsehal buhat sa iba’t ibang bayan at siyudad ay nagbigay din ng maikling mensahe si Gov Daniel. Ang sabi People’s Governor, kahit daw sila ni Mayor Christian ay minsang nagkalaban sa eleksiyon ay hindi umano sila nagsiraan. Napanatili nila ang pagiging maginoo at propesyonal.
Kabilang sa mga alkalde na nanumpa bilang kasapi ng NUP ay ang aming punong bayan si Plaridel Mayor Jocell Vistan Casaje. Nanumpa rin ang kanyang bise alkalde ang aking pamangkin si Vice Mayor Lorie Vinta. Kasama rin nila ang mga konsehal ng bayan ng Plaridel. Si ex-Councilor Ger Constantino ang nanumpa bilang NUP member.
Ako naman ay kabilang sa mga mamamahayag na inimbitahan ni Ms. Katrina Anne Bernardo-Balingit, ang hepe ng Bulacan Provincial Public Affairs Office, (PPAO) upang i-cover ang nasabing mahalagang event. Sa 25 mga peryodistang imbitado at nag-cover sa nasabing okasyon ay ako na yata ang pinaka-senior dahil ako ay nagsimulang mag-cover ng news events ng Bulacan Capitol, mula pa noong huling bahagi ng panunungkulan ni ex-Bulacan Governor Ignacio “Nacing” Santiago.
Dahil wala pang PPAO noon, ang peryodistang si Ric Veloira, at si Ms. Bella, ang humaharap sa iilang reporter ng Bulacan, kapag mayroong event sa kapitolyo, at noong si ex-Gov Willy Alvarado ang governor ng Bulacan ay Manila based newsman na ako noon kaya nitong September 27, 2024 lang ulit ako naimbitahan ng PPAO dahil accredited na siguro ako ng PPAO. (UnliNews Online)